Mananatiling inspirado ang Pangulong Beningo Aquino III sa pagganap sa kanyang trabaho.
Reaksyon ito ng Malacañang sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations o SWS na isinagawa mula Disyembre 5 hanggang 8 kung saan, bumaba ng 9 na porsyento ang nakuhang net satisfaction ratings para sa ikaapat na quarter ng taon.
Tatlumpu’t dalawang (32) porsyento ang nakuha ng Pangulo, mas mababa ng siyam na porsyento kumpara sa 41 percent na nakuha nito sa ikatlong quarter ng taong kasalukuyan.
Ngunit sa kabila nito, maituturing pa ring nasa good base ang net satisfaction ratings ng Pangulo batay sa classifications ng SWS.
Kaugnay nito, sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na magtutuluy-tuloy ang trabaho ng administrasyon at pagsisilbi sa kanilang mga boss para mas maramdaman ang bunga ng pagsusumikap ng gobyerno.
Para naman kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, bagama’t nanatiling good ang kabuuang ratings ng Pangulo, hindi aniya ito dahilan para magpakampante at dapat magdoble kayod pa dahil may halos pitong buwan pa bago ito tuluyang bumaba sa puwesto.
By Meann Tanbio