Muling nagbabala sa publiko ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) laban sa pagpo-post sa social media at baka sila ay makasuhan.
Ginawa ni PNP ACG Director Police Brig. General Joel Doria ang paalala matapos arestuhin ang isang babae sa Brgy. Camputhaw, Cebu City nang kasuhan ng cyberlibel ng kanyang kapitbahay.
Ayon kay ACG Spokesperson Police Lt. Michelle Sabino, ang naaresto na si Sheila Ypanto Villarez ang unang nagsampa ng reklamo laban sa kanyang lalaking kapitbahay matapos umano siyang nakawan ng 60,000 pesos noong Setyembre 2021.
Ngunit noong Disyembre, sinasabing binugbog ng kapitbahay ang asawa ni Villarez, na naging dahilan ng kanyang pag-post sa social media ng kasong isinampa niya laban sa kanyang kapitbahay.
Ang post naman na iyon ang naging dahilan para ireklamo si Villarez ng kanyang kapitbahay ng cyberlibel kaya’t dinakip ito ng mga pulis.
Sinabi ni Doria na ang kaso laban kay Villarez ay nagsisilbing paalala sa lahat ng netizens na maging responsable sa mga pino-post online.