Hindi na nasorpresa ang Volunteers Against Crime and Corruption o VACC sa report ng Ombudsman kung saan lumalabas na pinaka-corrupt na ahensya ang PNP at ang LGU.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni VACC Chairman Dante Jimenez na maging sila ay nagmo-monitor nito, bagamat kaunti lamang ang kanilang resources.
Idinagdag pa ni Jimenez na mayroon na silang nasampahan ng reklamo laban sa mga LGU, kabilang na rito si Albay Governor Joey Salceda dahil sa paggamit umano nito ng Malampaya fund.
“Example na lang unahin na natin sa LGU, si Governor Joey Salceda ng Albay, kinasuhan po natin yan dahil may ginawa daw itong kalokohan, sabi ng mga barangay captain ng Albay na ginamit ang Malampaya fund at pineke ang pirma nila at ngayon ay sila ang pina-eexplain, sila po ay nagagalit, P47 million ang involve na Malampaya na napunta kay Governor Salceda.” Ani Jimenez.
Sa hanay naman ng PNP, sinabi ni Jimenez na kabilang sa kanilang nakasuhan na ngayo’y na-dismiss na sa serbisyo ay si dating PNP Chief Director General Allan Purisima.
“Pinakamataas na hepe na nasampahan namin at ngayon awa ng Diyos naman ay na-dismiss sa serbisyo si dating PNP Chief Alan Purisima, yung tungkol sa mga courier ng mga lisensya at permit to carry firearms, isa yan at marami pa.” Pahayag ni Jimenez.
Una rito ay lumabas ang Ombudsman report na nangunguna pa rin ang mga local government unit (LGU) sa pinaka-corrupt na ahensya ng pamahalaan noong 2015.
Sinundan ito ng Philippine National Police (PNP); Armed Forces of the Philippines (AFP); Departments of Education (DepEd); Department Environment and Natural Resources; State Universities and Colleges; Departments of Agriculture; Finance at Agrarian Reform.
Gayunman, bumaba sa top 10 ang Bureau of Customs na maka-ilang beses ng nanguna sa listahan sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, tumaas ng 2,700 kaso ng katiwalian ang isinampa laban sa mga LGU official noong 2015 kumpara sa 2,000 noong 2014.
Tumaas din ng 1,265 ang mga kaso laban sa mga pulis noong isang taon kumpara sa 1,258 noong 2014.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita | Drew Nacino