Handang-handa na ang Philippine National Police o PNP sa pagsisimula ng campaign period para sa national positions simula bukas, Pebrero 9, araw ng Martes.
Ayon kay PNP Spokesman C/Supt. Wilben Mayor, sapat ang ilalatag nilang seguridad partikular sa mga lugar na pagdarausan ng mga meeting de avance ng mga kandidato at ng kanilang mga partido.
Unang maglulunsad ng kanilang kampanya ang partidong United Nationalist Alliance (UNA) ng tambalang Binay-Honasan sa bahagi ng Welfareville Compound sa Mandaluyong City ganap na alas-8:00 ng umaga.
Sa Capiz naman maglulunsad ng kanilang kampanya ang tambalang Roxas-Robredo ng Partido Liberal alas-10:00 ng umaga.
Susundan naman ito ng tambalang Poe-Escudero ng Partidong Galing at Puso sa Plaza Miranda sa Quiapo, Maynila ganap na alas-4:00 ng hapon.
Habang sa Tondo naman ilulunsad ng tambalang Duterte – Cayetano ang kanilang kampaniya ganap na alas-8:00 naman ng gabi.
Sa Batac, Ilocos Norte naman napiling simulan ang kampanya ng tambalan nila Senadora Miriam Defensor Santiago at Senator Bongbong Marcos.
Maliban sa mga lugar na pagdarausan ng kampanya, sinabi ni Mayor na nagdagdag na rin sila ng puwersa sa mga lugar na nakatala bilang areas of immediate concern.
By Jaymark Dagala