Aminado ang Philippine National Police (PNP) na mayroong mga cargo ang nadedelay ang delivery sa mga kanilang destinasyon.
Ayon kay Police Lt. General Guillermo Eleazar, hepe ng Joint Task Force COVID Shield, may kanya-kanya kasing panuntunan ang ilang local government units sa kagustuhan nilang bigyan din ng proteksyon ang kanilang constituents.
Maliban pa anya sa ilang barangay na gumagawa rin ng sariling patakaran kaya’t minsan ay nahaharang ang mga cargo.
Sinabi ni Eleazar na tungkulin ng kanilang task force na tiyaking maipatutupad ang general guidelines ng Inter-Agency Task Force kung saan kabilang ang pagtiyak na hindi madedelay ang delivery ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan at hindi magkaroon ng food shortage.
Kaya anya kapag nakakaengkuwentro sila ng problema sa mga LGUs ay tumatakbo na lang sila sa Department of Interior and Local Government (DILG) upang mamagitan.