Aminado mismo ang mga otoridad na mayroon silang pagkukulang kaya nakalusot ang suspek na utak sa nangyaring pagpapasabog sa public market ng Isulan, Sultan Kudarat kahapon.
Ayon sa hepe ng Isulan PNP na si Lt. Col. Joven Bagaygay, bago pa man naganap ang bombing incident ay may impormasyon na silang natanggap kaugnay sa planong pambobomba sa Isulan na itutuon sa araw ng Foundation anniversary ng bayan.
Ito aniya ang dahilan kung bakit agad na kinansela ni Mayor Marites Pallisuge ang mga nakatakda sanang aktibidad para sa naturang selebrasyon.
Bunsod nito, malaking tulong umano ang kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek.
Una nang sinabi ng pulisya na ‘extortion’ ang isa sa mga anggulo na kanilang tinitingnan sa nagyaring pagpapasabog kung saan aabot sa walo (8) ang sugatan.