Kinumpirma ng PNP – ARMM o Philippine National Police – Autonomous Region in Muslim Mindanao na maraming pulis pa ang nawawala sa kasagsagan ng bakbakan sa Marawi City.
Gayunman, wala pang maibigay na bilang si Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac, hepe ng ARMM-PNP kung ilan pa ang aktuwal na hindi nawawala sa Marawi City.
Ayon kay Sindac, halos pitumpung (70) mga pulis ang naunang isinabak sa Marawi City noong unang pumutok ang terorismo sa syudad nung Mayo 23.
“Noong unang sumiklab yung pangyayaring yan, for the first few week meron kaming pitongpu (70) na hinahanap pero sa ngayon marami na daw pong nag update sa aming personnel at nagpakita, nagreport sa amin”, pahayag ni Sindac.
Terorismong nararanasan sa Marawi tiniyak na hindi kakalat sa iba pang lugar sa Mindanao
Tiniyak rin ng ng PNP – ARMM o Philippine National Police – Autonomous Region in Muslim Mindanao na hindi kakalat sa iba pang lugar sa Mindanao ang terorimong nararanasan sa Marawi City.
Ayon kay Chief Superintendent Reuben Theodore Sindac, nakatutok sila sa Maguindanao lalo pa’t may mga grupo doon ng Bangsamoro fighters na pwedeng magsamantala sa sitwasyon.
Ganito rin anya ang pagtutok na ginagawa ng PNP regional offices na nakakasakop sa Iligan at Lanao del Norte batay na rin sa direktiba ng pamunuan ng PNP.
Kinumpirma ni Sindac na Iligan sana ang planong isunod ng Maute Group kung hindi naagapan ng AFP o Armed Forces of the Philippines at PNP ang pananakop sana nila sa Marawi City.
“Tulad ng statement ng ating butihing Chief of Staff na si General Año, ito yung isa sa kanilang malagim na plano, masamang balak nila kung naisakatuparan nila ito. Naudlot nga ito dahil sa…nabulabog yung kanilang timeline, hindi po nangyari. Sinisiguro nila na hindi mangyayari ito sa ibang lugar, sa Iligan City o kung sa Lanao del Norte”, paliwanag ni Sindac.
By Len Aguirre