Inilabas na ng Malakanyang ang Memorandum Order 34 na nagde-deputize sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para sa plebisito sa Bangsamoro Autonomous Region sa Enero 21.
Alinsunod ito sa itinatakda ng Comelec Resolution 10454 na bukod sa komisyon ay may kapangyarihan din ang pangulo na atasan ang militar at pulis na kumatawan sa kanya sa panahon ng eleksiyon at plebisito.
Inaatasan ang mga pulis at sundalo na agad na makipag-ugnayan sa Commission on Elections (Comelec) upang mapag-usapan ang kanilang magiging trabaho.
Nilagdaan ang Memorandum Order 34 noon pang Disyembre 28 subalit ngayon lamang inilabas ang nasabing dokumento.
Isasagawa ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law (BOL) matapos magpasya ang Korte Suprema na huwag maglabas ng temporary restraining order (TRO).
Seguridad para sa BOL plebiscite kasado na
Kasado na ang seguridad ng militar at pulisya para sa plebesito kaugnay ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa susunod na linggo.
Personal na bibisita sa Mindanao sina AFP Chief Gen. Benjamin Madrigal at PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde partikular na sa mga lugar na pagdarausan ng plebesito.
Kasunod nito, tiniyak ni Madrigal na sapat ang kanilang puwersa na aabot sa 10,400 sundalo para magbantay.
Inatasan naman ni Albayalde ang mga regional at provincial director na higpitan ang kanilang seguridad habang nagpadala na rin sila ng isang batalyong Special Action Force (SAF) sa Mindanao.
Maliban pa aniya ito sa PNP-Regional Mobile Force mula naman sa iba’t-ibang lugar sa Luzon at Visayas na nakaantabay para ipadala rin sa Mindanao.