Nangako ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na ibibigay nila ang kanilang ‘best performance’ sa trabaho katumbas ng dobleng – sweldong ibinigay sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay PNP Spokesperson Chief Supt. Dionardo Carlos, ang pagtaas sa sahod ng mga pulis at mga sundalo ay patunay lamang na hindi binabalewala ng pamahalaan ang sakripisyo ng mga alagad ng batas.
Sa panig naman ng AFP , sinabi ng tagapagsalita nito na si Col. Edgard Arevalo na magkaroon man ng paggalaw o wala sa kanilang sweldo ay tutuparin pa rin nila ang kanilang tungkulin sa bayan.
Sa ilalim ng joint resolution na nilagdaan ng pangulo, ang mga entry-level uniformed officer ng PNP, BFP, BJMP, AFP at seaman third class ay makakatanggap na ng base pay na 29,668 pesos mula sa dating 14,834 pesos.