Nanawagan ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa publiko na manatiling vigilant at iwasang magpanic sakaling makaranas ng ibat-ibang uri ng sakuna.
Ayon sa mga otoridad, mas mainam kung magiging mahinahon ang isang indibidwal sakaling malagay ang sarili sa panganib tulad ng lindol, pagbaha, pagguho ng lupa, sunog, pagsabog, at iba pa.
Ginawa ang panawagan kasunod ng pagkondena ng mga otoridad sa naganap na pagsabog sa isang eskwelahan sa Marawi City kahapon na ikinamatay ng labing isang katao habang higit apatnapu ang sugatan.
Iginiit ng PNP at AFP na malaking tulong ang pagiging alerto ng bawat isa at maging mapagmatyag sa gitna ng sakuna.
Hinihikayat naman ng mga otoridad ang publiko na agad isumbong sa kinauukulan sakaling may mapansing kahina-hinalang grupo o indibidwal sa kanilang lugar.