Bubuuin ng Philippine National Police (PNP) kasama ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang special investigation task force “Bell 429″ para mag imbestiga sa pagbagsak ng chopper ng PNP sa Laguna Huwebes ng umaga.
Ayon kay Police Major General Benigno Durana, acting spokesman ng PNP, ito’y para matingnan ang lahat ng mga anggulo sa nangyaring pagbagsak ng chopper.
Sinabi rin ni Durana na nakapagsagawa na sila ng initial meeting para sa gagawing pagimbestiga.
Matatandaang nag crash sa San Pedro, Laguna ang Bell 429 chopper ng PNP na lulan nina PNP chief Police General Archie Gamboa at pitong iba pang PNP officials ngayong Huwebes, Marso 5.
Sa ngayon ayon kay Durana, nasa stable na kundisyon na ang PNP chief at 5 iba pa, samantalang nanatiling nasa critical condition sina PNP Director for Intelligence Police Major General Mariel Magaway at Director for Comptrollership Police Major General Jose Maria Ramos.