Magkatuwang na tututukan ng Philippine National Police o PNP at Simbahang Katolika ang anti-drugs campaign ng gobyerno at internal cleansing program ng Pambansang Pulisya.
Ayon ito kay PNP Spokesman Senior Superintendent Benigno Durana matapos makipag-usap si PNP Chief Director General Oscar Albayalde sa mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP hinggil sa mahahalagang usapin.
Sinabi sa DWIZ ni Durana na hiningi nila ang tulong ng Simbahang Katolika para sa kampanya kontra iligal na droga, paglilinis sa hanay ng mga pulis gayundin ang usapin ng human formation.
“Ito po ay ang paghingi namin ng tulong sa ating mga kaparian sa pamamagitan ng iba’t ibang dioceses sa aming kampanya kontra droga partikular sa rehabilitation ng mga drug suspect at ang pangalawa po ay ang tinatawag naming internal cleansing program para lalong mapabuti ang serbisyo ng ating Kapulisan sa mga mamamayan.” Pahayag ni Durana
Human Rights Watch
Samantala, kailangang agarang tugunan ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang pagkakasangkot ng mga pulis sa drug war executions at iba pang pang-aabuso.
Ito ayon sa Human Rights Watch o HRW, isang international non-government organization (NGO) ay para ipakita ang paninindigan ni Albayalde sa pagsusulong ng karapatang pantao at rule of law.
Nanawagan din ang HRW kay Albayalde para payagan ang independent investigations sa mga umano’y police abuses at panagutin ang mga tunay na nagkasalang pulis sa extrajudicial executions.
(Ratsada Balita Interview)