Nagkasundo na ang PNP at Chinese Community para sa ikareresolba ng kaso ng kidnapping na karamiha’y may kaugnayan umano sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) industry.
Kinumpirma ni PNP-Anti-Kidnapping Group Director, Brig. Gen. Rodolfo Castil na nakipag-pulong na sila sa Philippine Federation of Chinese Commerce and Industry, Incorporated (PCCCII).
Naganap ang pulong makaraang ilabas ng PCCCII ang datos na umabot na 56 ang kaso ng kidnapping sa bansa sa nakalipas lamang na 10 araw, bagay na kinokontra ng PNP.
Gayunman, taliwas anya ito sa datos ng PNP-AKG na nakapagtala lamang ng 29 kidnapping cases simula Enero hanggang Setyembre ngayong taon.
Sa nasabing bilang, inihayag ni Castil na 15 ay may kaugnayan sa POGO, 13 ay traditional kidnapping cases at isang may kaugnayan sa casino operation.