Itinuturing nang kakampi ng PNP o Philippine National Police ang CHR o Commission on Human Rights sa kampanya kontra droga.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa matapos ang kanilang naging pulong ni CHR Chairman Chito Gascon noong Martes.
Ayon kay Dela Rosa, sinabi mismo ni Gascon sa kanya na hindi tutol ang CHR sa ‘war on drugs’ ng pamahalaan at gusto rin nilang matapos na ang problema sa iligal na droga sa bansa.
Ang pinupuna lang aniya ng CHR ay ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mga pulis habang ginagampanan ang tungkulin sa pagsugpo ng illegal drugs sa bansa.
Tiniyak din ni Dela Rosa na makikipagtulungan ang PNP sa mga isasagawang imbestigasyon ng CHR at wala silang itatago.
Binanggit din ni Dela Rosa na matapos ang naging pulong sa CHR ay nakabuo silang sistema para sa pagpapabuti ng kampanya kontra iligal na droga ng PNP.