Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na dapat magpaliwanag ang Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ) hinggil sa naganap na pangho-hostage kay dating Senadora Leila De Lima sa loob ng PNP Custodial Center kahapon.
Ayon kay Sen. Hontiveros, ang naganap na insidente ay maituturing na “unjust, barbaric and despicable” o hindi makatarungan, brutal at kasuklam-suklam, kaya dapat itong ipaliwanag ng nabanggit na mga ahensya.
Sinabi pa ng senadora, na malaki ang naging pagkukulang sa seguridad, dahil kataka-taka ang pagkakaroon ng access ng mga detainee sa custodial cell ni dating Senadora De Lima.
Dagdag pa ng mambabatas, malinaw na may pagkukulang at dapat na mayroong managot sa insidente dahil bigong magampanan ng mga otoridad ang kanilang mga tungkulin.
Sa kabila nito, nanawagan sa PNP ang senadora na palakasin ang seguridad sa pasilidad ni De Lima upang masigurong hindi na muling maulit pa ang naganap na karahasan.