Hindi magbabago ang posisyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng health safety protocols kahit unti-unti nang nagluluwag ang quarantine status sa maraming lugar sa bansa dahil sa COVID-19.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar, buhat pa nang magsimula ang COVID-19 pandemic may nakalatag na aniyang panuntunan sa bawat quarantine status.
Batid naman aniya ng Pulisya, kung gaano kasabik ang mga kabataan na makalabas ng bahay matapos ang mahigit isang taong pagkakakulong sa bahay, subalit kailangan pa ring maging maingat dahil nariyan pa rin ang banta ng virus.
Kaya tulad ng dati, sinabi ng PNP Chief na babantayan nila ang mga lugar na maaari nang puntahan ng mga kabataan upang maipaalala pa rin sa kanila ang mga pag-iingat para mailayo sila sa banta ng COVID-19.
Sa pagluwag ng community quarantine sa ilang lugar kabilang ang metro manila, batid namin sa pnp na mas excited ang ating mga kababayan sa paglabas ng mga batang may edad 5 pataas, kaya naman inatasan ko na ang ating mga commanders na maghanda tungkol dito sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang mga lgus sa pagtukoy ng mga lugar na pwedeng puntahan at ang mga alituntunin na dapat sundin dito para sa proteksyon ng bawat isa. Tinitiyak namin na hindi magiging kill joy ang inyong pnp dahil nauunawaan namin ang pinagdadaanan ng mga bata at magulang sa higit na isang taong lockdown measures. ” wika ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)