Pinaigting pa ng Commission on Human Rights o CHR ang kanilang panawagan sa Philippine National Police o PNP na tugunan ang kanilang mga kahilingan ngayong balik na naman sa war on drugs ang Pambansang Pulisya.
Ayon kay CHR Spokesperson Jackie de Guia, noon pa ay hinihiling na ng kanilang komisyon na magkaroon ng regular na pulong ang mga pinuno ng CHR at PNP at magkaroon ng joint task force para imbentaryo ng mga kaso.
Bukod pa aniya ito sa matagal na nilang request na mabigyan ng access sa mga case folder gaya ng mga SOCO report ng mga napapatay sa operasyon ng PNP.
“Ngayong linggo nakatanggap kami ng sulat mula kay PNP Chief Dela Rosa na kami ay hindi bibigyan ng case folder kaya lang bibigyan ng kopya ng spot report, bahagyang maganda itong development na ito kaya lang sa isang banda kulang na kulang pa rin ang mga dokumento na makukuha ng CHR, malaking tulong kasi yung iba pang mga dokumento na hindi lang advantageous sa mga biktima kundi pati sa kanila lalo na kung totoo ang sinasabi nilang nanlaban.” Ani De Guia
Bukas naman ang CHR sa plano ng PNP na bumuo ng guidelines sa kanilang mga ikakasang operasyon.
“Tamang hakbang po iyon na magsagawa sila ng guidelines, ang human rights compliance naman po ay ang pagsunod ng tama sa rule of law o mga batas, gusto din po nating i-emphasize na bagamat wala yung mga guidelines meron na po silang manual of operations and existing laws na dapat nilang sundin strictly kaya lang kung makakatulong pa po lalo ang guidelines para mas malinaw sa bawat operatiba ang mga dapat nilang isaalang-alang habang ginagawa ang kanilang mga operasyon, eh mas mainam po yun.” Dagdag ni De Guia
Body cameras
Samantala, ikinalugod ng CHR ang paggamit ngayon ng body cameras ng mga pulis sa kanilang mga operasyon lalo na sa pagbabalik nila sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay De Guia, isa ito sa kanilang rekomendasyon para sa pagkakaroon ng transparency sa mga ikinakasang operasyon ng pulisya.
“Hindi lamang yan advantageous sa mga biktima kundi pati sa kanila kasi puwede nila yang gamitin bilang piece of evidence sa kanilang kakaharaping mga katanungan.” Ayon kay De Guia
Kasabay nito, sinabi ni De Guia na paraan din ang paggamit ng mga body camera para matiyak ang pagsunod sa proseso ng mga alagad ng batas.
“Deterrent po siya kasi conscious po at every moment ang isang Kapulisan na gawin ang tama, sundin ang batas, at madi-discourage po sila na magkaroon ng shortcut, lapses o yung pansariling interes na siya namang binabantayan ng CHR.” Pahayag ni De Guia
(Ratsada Balita Interview)