Iniimbestigahan na ng Philippine National Police o PNP ang posibilidad na pag – aari ng isang pulis – Maynila ang baril na ginamit ng suspek sa insidente ng pamamaril sa Caloocan City noong bisperas ng Bagong Taon kung saan dalawang (2) bata ang nadamay.
Batay sa ulat, Disyembre 10 nang ireport ng isang police officer na ninakaw ang kanyang baril sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Caloocan City Police Chief Senior Superintendent Jemar Modequillo, kailangang ipaliwanag ng nasabing pulis kung paanong nawala at ninakaw ang kanyang baril para hindi ito maharap sa kasong administratibo.
Isasailalim na aniya sa pagsusuri ang baril na ginamit ng suspek na si Isagani Ancheta na ipaghaharap naman sa tatlong (3) counts ng frustrated murder at illegal possession of firearms.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, nangyari ang pamamaril matapos ang mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at isang nagngangalang Gil Calupaz noong gabi ng bisperas ng Bagong Taon.
Samantala, nasa stable nang kondisyon ang isang batang biktima na si Princess Cruz, matapos na operahan bagama’t hindi pa matiyak kung kailan ito makalalabas ng ospital.
Habang patuloy namang inoobserbahan ang isa pang batang biktima na Joven Gaces matapos itong sumailalim sa ikalawang operasyon.