Bibili pa ng mas maraming bulletproof vests ang Philippine National Police (PNP) upang mas mabigyang proteksyon ang mga pulis sa kanilang mga isinasagawang anti-criminality at anti-illegal drug operations.
Ayon kay Police General Debold Sinas, armado ang mga kriminal at handa itong makipagpalitan ng putok sa mga otoridad, kaya’t marapat lamang na matiyak ang kaligtasan at proteksyon ng mga pulis.
Pahayag ni Sinas, bahagi ng kanyang kautusan ang pagsusuot ng bulletproof vests at iba pang protective equipment ng mga pulis na nagsasagawa ng mga operasyon tulad ng pagpapatrolya, anti-illegal drugs operation, anti-kidnapping, anti-carnapping at iba pa.
Matatandaang noong nakalipas na December 16, isang armadong kriminal ang nakipagpalitan ng putok sa 94th special action company ng PNP sa Labo, Camarines Norte.
Kinilala ang nanlaban na suspek na si Med Jonel Alcanzo na siya ring nakabaril sa dibdib kay Police Staff Sergeant Alex Tortogo Bayona, gamit ang kalibre 45 baril.
Sa ngayon patuloy na nagpapagaling sa pagamutan si Bayona na myembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP.