Binawi ng PNP o Philippine National Police ang una nilang pahayag na may iisa lamang na kaso ng ng EJK o extra-judicial killing sa bansa.
Paglilinaw ngayon ng pambansang pulisya, wala ni isang kaso ng EJK na naganap sa ilalim ng administrasyong Duterte
Humihingi ngayon ng paumanhin si PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos sa ibinigay niyang impormasyon sa media.
Aniya ang napatay na mamamahayag ng Catanduanes ay hindi pa maituturing na isang kaso ng EJK dahil wala pa aniya itong kumpirmasyon galing sa Task Force USIG, isang grupo ng pulisya na sumusuri sa mga napapatay sa bansa.
Kasabay nito, tiniyak naman ni Carlos na sinisikap ng PNP na mabawasan ang krimen sa bansa para mabawasan din ang bilang ng mga nabibiktima.
Matatandaang kaninang umaga sinabi ng PNP na ang napatay na mamamahayag ng Catanduanes na si Larry Que lamang ang nag-iisang biktima ng EJK sa kasalukuyang administrasyon kung saan nadadawit sina Governor Joseph Cua at ang pulis na si PO1 Vincent Tacorda.
Si Tacorda ang pulis na umaming may EJK, ngunit binawi din kalaunan.
Ang mga naging pahayag ng PNP ay kasunod ng inilabas na resulta ng survey ng SWS o Social Weather System na nagsasabing pito (7) sa kada sampung (10) Pilipino ang nangangambang maging biktima ng EJK.