Blangko pa rin ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan at motibo ng salarin sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.
Ayon kay Police Region 4-A Director Chief Superintendent Edward Carranza, ang malinaw sa ngayon ay isa ang gunman at isa ang tumamang bala sa alkalde.
Sa ngayon sinabi ni Carranza na sumasailalim pa sa ballistic exam ang balang nakapatay kay Halili.
“Definitely sa isa pong long rifle galing, durog po kasi ang tumamang slug sa katawan niya, mas maganda po ay yung official findings ng crime laboratory.” Ani Carranza
Sa ngayon tuloy-tuloy ang pangangalap ng impormasyon ng PNP para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng alkalde ng Tanauan.
“Ang time frame mahirap po ‘yun depende po ‘yan sa papasok na impormasyon, tuloy-tuloy lang po ang pag-gather natin ng statement pati nap o ang statement ng pamilya.” Pahayag ni Carranza
Samantala, natunton na ng pulisya ang posibleng pinagpuwestuhan ng sniper na bumaril at pumatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili.
Ayon kay Carranza, batay sa kanilang clearing operations ay pumuwesto sa masukal at mataas na bahagi sa paligid ng city hall ang gunman na malayo sa gusali.
Inaalam na kung may kaugnayan ang pamamaslang sa pagkakabilang sa narco-list ni Halili, pulitika o paghihiganti ng mga nasagasaan ng alkalde sa kanyang shame campaign.
Nakilala ang alkalde sa shame campaign nito sa mga nahuhuling kriminal sa lungsod dahilan upang umani ito ng papuri o batikos at nabansagan ding “Duterte ng Batangas.”
Ipinagluluksa naman ni Batangas Governor Hermilando Mandanas ang pagkamatay ni Mayor Halili.
Nakikiramay at nakikisimpatya din si Mandanas kasama ang sambayanang Batangueño sa pamilya ni Halili maging sa mga taga-Tanauan sa hindi inaasahang pagkawala ng kanilang alkalde.
Kinondena naman ng gobernador ang pamamaril kay Mayor Halili na isa anyang malaking hamon sa peace and order ng lalawigan kaya’t agaran niyang pinaaalalahanan ang pulisya na pag-ibayuhin ang pagbabantay upang tiyakin ang kaligtasan ng bawat Batangueño.
Samantala, umapela naman si Mandanas sa kanyang mga kababayan na ipagpatuloy ang pananalangin para sa kapayapaan.
By Ralph Obina/ Balitang Todong Lakas Interview)