Handang magpaimbestiga ang Philippine National Police (PNP) sa alinmang grupo o ahensya man ng pamahalaan.
Ito’y sa harap na rin ng mga alegasyon hinggil sa paglabag umano ng pulisya sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng mga panuntunan sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa, bukas sila sa anumang imbestigasyon dahil tiwala sila na nasusunod naman ang mga panuntunan nang walang nilalabag na karapatang pantao.
Magugunitang naging mahigpit ang atas ng PNP chief sa kaniyang mga tauhan na higpitan pa ang ginagawa nilang pagpapatupad sa umiiral na ECQ na ang layunin ay malimitahan ang galaw ng mga tao at mapigilan ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa mga komunidad.
Una nang kinuwesyon ng Commission on Human Rights (CHR) gayundin ng ilang grupo ang mga naging paglabag ng ilang miyembro ng pulisya habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Kabilang na rito si P/Msgt. Daniel Florendo Jr. na nakabaril at nakapatay sa dating sundalong si Cpl. Winston Ragos na napag-alamang dumaranas ng post-traumatic stress disorder.
Gayundin ang marahas na pag-aresto ni P/Msgt. Roland Madrona sa dayuhang si Javier Salvador matapos naman itong ulanin ng pambubulyaw at mura mula sa dayuhan nang sitahin ito ang isang kasambahay dahil sa paglabag sa ECQ.