Iniimbestigahan na ng Philippine National Police – Internal Affairs Service ang pagkasawi ng isang Peace Consultant ng National Democratic Front na si Reynaldo Bocala.
Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa kabila ng panawagan ng pamilya ni Bocala gayundin ng iba’t ibang mga grupo na magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon sa kaso.
Matatandaang magsisilbi lang sana ng warrant of arrest ang pinagsanib na puwersa ng Militar at Pulisya laban kay Bocala sa tahanan nito sa Brgy. Balabag, bayan ng Pavia nang manlaban ito at kaniyang mga kasamahan na dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Aalamin ng PNP-IAS ani Eleazar kung may mga naging paglabag o pang aabuso ang Pulisya na kasama sa operasyon tulad ng ibinibintang sa kanila na pagtatanim ng ebidensya.
Gayunman, tiniyak ng PNP Chief na bukas sila sa anumang imbestigasyong ikakasa ng iba’t ibang sangay ng Gubyerno kung kakailanganin.
Si Bocala ay asawa ni Ma. Concepcion Concha Araneta – Bocala na kabilang sa listahan ng mga Terrorista na inilabas ng Anti-Terrorism Council.