Handang makipagtulungan ang Philippine National Police (PNP) sa anumang imbestigasyon kaugnay sa umano’y hindi maayos na paggastos sa pondong ibinigay sa ahensya sa pagbisita ng Santo Papa sa bansa noong Enero.
Tiniyak ito sa DWIZ ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na nagsabing hindi niya batid kung bakit naungkat ang nasabing usapin.
“Kung meron pong imbestigasyon na gagawin nga po ang ating senado ay nakahanda naman po ang Philippine National Police na tugunan po ito, at magko-cooperate naman po kami, magko-comply, kung sakali man po na imbitahan ang miyembro ng PNP para magpaliwanag sa senado.” Pahayag ni Mayor.
By Judith Larino | Kasangga Mo Ang Langit
**********************
Samantala, wala umanong kinalaman si PNP Directorate for Operations Chief Director Ricardo Marquez sa isyu ng nawawalang pondo na ginamit sa pagbisita ni Pope Francis noong Enero.
Ayon kay Marquez, wala sa mandato niya bilang commander ng “PNP Task Force Papal Visit 2015” ang mangialam sa pondo.
Aniya, pangunahing trabaho niya ay siguraduhin ang kaligtasan ng Santo Papa.
Sinabi pa ni Marquez na ang Director for Comptrollership ang namahala sa pagbibigay ng pondo sa mga pulis na nagbigay seguridad kay Pope Francis.
Una rito, pinaiimbestigahan ni PNP-OIC Deputy Director General Leonardo Espina ang umano’y nawawalang pondo.
By Meann Tanbio | Jonathan Andal