Hawak na ng Police Regional Office Bangsamoro Autnomous Region (PRO-BAR) ang warrant of arrest na inilabas ng korte laban sa siyam na sinibak na pulis na sangkot sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu nuong isang taon.
Ito’y ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Debold Sinas makaraang kumpirmahin nito na bumuo na sila ng tracker teams para tugisin at dakpin ang mga dating pulis.
Maliban dito ani Sinas, gumugulong na rin ang negosasyon sa pamilya ng mga dating kabaro para kumbinsihin silang sumuko na lamang at harapin ang kasong isinampa laban sa kanila.
Giit ng PNP chief, kung talagang inosente ang mga dating pulis sa ipinaparatang sa kanila ay dapat na silang lumantad kung hindi ay mapipilitan silang gawin ang pag-aresto bilang pagsunod sa kautusan ng korte.
Dahil dito ani Sinas, naniniwala siyang nasa Jolo lamang ang siyam na dating pulis makaraang palayain ang mga ito matapos silang tuluyang sibakin sa serbisyo.