Bumuo ng grupo si Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Gamboa na magbabalangkas sa mga hakbang at panuntunan na susundin ng pulisya.
Kaugnay ito sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine (GCQ) at enhanced community quarantine (ECQ) ng pamahalaan.
Itinalaga ni Gamboa si PNP Chief of Directorial Staff Police Lt. General Cesar Hawthorne Binag bilang pinuno ng nabanggit na grupo.
Ayon kay Gamboa, kabilang sa isasaayos ng grupo ni Binag ang memorandum circular kung saan nakapaloob ang operasyon ng pulisya at administrative measures para sa pinalawig na ECQ sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at iba pang tinukoy na high risk area hanggang Mayo 1.
Gayundin ang magiging aksyon ng PNP para naman sa mga lugar na isinailim sa GCP simula Mayo 1.
Kasabay nito, tiniyak ni Gamboa ang patuloy na pagbibigay suporta ng PNP sa Executive Department para sa patuloy na pagbibigay ng ayuda at tulong pinansiyal sa mga mahihirap na apektado ng mga community quarantine.