Ibinaba ng pambansang pulisya ang isang kautusan na bumubuo sa isang task force para paigtingin ang kanilang kampaniya laban sa mga illegal recruiter sa bansa.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, ito ay ang ‘Task Force Against Illegal Recruitment’ (‘TFAIR’) na layong pag-aralan at maglunsad ng operasyon laban sa iba’t ibang modus operandi ng mga kawatan.
Giit pa ng opisyal na kahit sa gitna ng pandemya ay may mga sumbong silang natatanggap na pinagsasamantalahan pa rin ang mga nagnanais magtrabaho sa ibayong dagat.
Kasunod nito, inatasan din itong magsumite ng target list ng mga illegal recruiter batay sa kanilang intellegence gathering at iyong mga impormasyong ibinibigay mismo ng mga biktima.
Sa huli, nanawagan si Eleazar sa mga biktima ng illegal rectuitment na magsumbong sa kanila para agad itong maaksyunan at mapanagot ang mga nasa likod nito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)