Pina-iimbestigahan na ni Philippine National Police o PNP Chief Oscar Albayalde ang mga pulis na bumabatikos sa kanya online.
Kasunod ito ng mga nabasa niyang comment ng mga pulis sa Facebook page na Buhay Lespu kung saan binanatan ang ginawa niya noong pag-iinspeksyon sa mga natutulog na pulis.
Ayon kay Albayalde, inatasan na niya ang PNP-DICTM o Directorate for Information and Communications Technology Management para tukuyin ang mga basher niyang pulis at para ipatawag sa kanyang opisina.
Maaari aniyang kasuhan ng insubordination o pagsuway ang mga nasabing pulis.
Paglilinaw naman ni Albayadle, hindi siya kontra sa freedom of expression.
Hindi lang aniya tama na idaan sa social media ang reklamo ng mga pulis sa kanya lalo’t mayroon aniya silang tinatawag na grievance committee kung saan puwedeng idulog ng mga pulis ang kanilang mga hinaing.
—-