Itinanggi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na ipinag-utos niya ang pagsasagawa ng profiling sa mga miyembro ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Ayon kay Albayalde, wala siyang pinirmahang anumang direktiba hinggil dito.
Gayunman nilinaw ng PNP chief na sakaling nagkaroon ng pagkuha ng listhan ng mga miyembro ng ACT, bahagi lamang aniya ito ng kanilang intelligence monitoring.
Dagdag ni Albayalde, hindi rin ito maiiwasan lalo’t una na aniyang sinabi ni CPP founding chairman Joma Sison sa isang video na ipinost sa YouTube noong 2009 na kabilang ang mga militanteng grupo tulad ng ACT sa kanilang front organizations.
Iginiit pa ni Albayalde, kung wala namang ginagawang masama ang mga miyembro ng ACT ay wala silang dapat ikatakot.
Kasundo nito, hinimok naman ni Albayalde ang ACT na kumilos para maihiwalay ang kanilang grupo mula sa CPP at NPA.
Pagsibak sa 3 intelligence officers ipinag-utos
Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang pagpapasibak sa tatlong hindi pinangalanang intelligence officers.
Kasunod ito ng pagleak o pagkalat ng impormasyon hinggil sa umano’y pagkuha ng pulisya ng mga listahan ng mga gurong miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).
Ayon kay Albayalde, may ranggong senior inspector hanggang chief inspector ang mga nasabing intelligence officers na mula sa Manila City Station 3, Quezon City Station 6 at Zambales PNP.
Dagdag pa ni Albayalde, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang PNP kaugnay ng posibilidad sa pagkakaroon ng leak sa kanilang intel operation na nagdulot ng negatibong epekto at takot sa mga miyembro ng ACT at publiko.