Binuweltahan ng ilang miyembro ng academe si PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde makaraang ihayag nito na nais niyang kasuhan ang mga gurong hindi nagiging tapat sa bayan at nagtuturo pa sa mga mag-aaral na mag-aklas laban sa pamahalaan.
Ayon kay Dr. Mike Pante ng Ateneo De Manila University, tila makitid ang pang-unawa ni Albayalde hinggil sa kung ano ang tamang konsepto ng nasyonalismo o ang pagiging makabayan.
Giit ni Dr. Pante, nakabatay aniya ang PNP Chief sa nasyunalismong nais ipakita ni Pangulong Rodrigo Duterte at hindi ang pagiging kritikal sa mga usaping bumabalot sa lipunan.
Bilang mga tagapag-hubog sa kamalayan ng mga kabataan, tungkulin nilang pataasin ang lebel ng kamalayan ng mga ito para narin sa ikagaganda ng kalidad ng buhay ng sambayanan.
Magugunitang inihayag ni Albayalde noong isang linggo na bilang pangalawang magulang ng mga mag-aaral, pananagutan ng mga ito ang pagpapanatili sa diwa ng nasyunalismo o pagmamahal sa bayan nang hindi naghahangad na ibagsak ang pamahalaan o ang bansa sa kabuuan.
Pero sagot naman ni Professor Gab Araneta ng PNU o Philippine Normal University, mas ginalit lamang ng pangulo ang mga kabataan dahil sa mala-martial law na pamamalakad nito lalo na ang pagsikil sa malayang pagpapa-unlad sa kaisipan ng mga mag-aaral.