Nanawagan si House Speaker Pantaleon Alvarez ng pagbibitiw sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa matapos ang nangyaring pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick Joo.
Ayon kay Alvarez, nalagay sa matinding kahihiyan ang PNP matapos mapag-alaman na sa mismong Kampo Krame pinaslang ng ilang pulis ang dayuhang si Joo.
Iginiit ni Alvarez na para maibalik ang dangal at respeto sa tanggapan ng PNP Chief ay nararapat lamang na mag-resign na si Dela Rosa.
Dapat aniyang ibigay ang naturang posisyon sa mas karapat-dapat at sa taong seseryosohin ang pamumuno sa Pambansang Pulisya.
Kasabay nito, pinasaringan din ni Alvarez si Dela Rosa na maaari namang pumasok na lamang ito sa showbiz at maging laman ng mga pahayagan gaya ng pagbi-videoke nito at panunuod ng mga concert.
Samantala, binuweltahan ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang mga nananawagan sa kanyang pagbibitiw sa puwesto.
Ito ay matapos manawagan si House Speaker Pantaleon Alvarez ng resignation ni Dela Rosa makaraang matuklasan na sa mismong Kampo Krame pinaslang ng mga pulis ang negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.
Sinabi ng PNP Chief, nagkakamali ang mga nag-aakalang nag-eenjoy siya sa kanyang tungkulin.
Hamon nito sa mga nais siyang mag-resign, hilingin sa Pangulong Duterte na tanggalin siya sa puwesto
Nanindigan si Dela Rosa na hindi siya magbibitiw sa puwesto hanggat may misyon siyang tapusin ang giyera kontra iligal na droga ng administrasyon.
By Ralph Obina