Plano munang magbakasyon bilang Citizen Bato ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa sakaling tuluyan na siyang bumaba sa puwesto sa Abril 19.
Ito’y bago sumabak sa panibagong trabaho si Bato kung siya’y maitatalaga nga bilang bagong pinuno ng Bureau of Corrections.
Kasunod nito, tiwala si Bato na magtatagumpay siya sa kaniyang plano para sa BUCOR subalit tumanggi muna niyang idetalye ito upang hindi mabulilyaso.
Payo pa ni Bato sa mga drug lord sa loob ng National Bilibid Prisons na tigilan na ang kanilang mga kalokohan sa loob ng piitan kung ayaw ng mga ito na siya ang tumapos sa kanilang kaligayahan.
Kasabay nito, nagbilin na habang maaga pa si outgoing PNP Chief Dir/Gen. Ronald Bato Dela Rosa kay incoming PNP Chief Oscar Albayalde laban sa mga tutulog-tulog na mga pulis.
Ayon kay Bato, dapat ituloy pa rin ni Albayalde ang kaniyang nasimulang pag-iikot sa mga himpilan ng pulisya upang aktuhan ang mga pulis na natutulog habang naka-duty.
Magugunitang mahigpit na pinamunuan ni Albayalde ang National Capital Region Police Office kung saan, inisa-isa nito ang mga istasyon ng pulis at nabuking ang mga tatamad-tamad na miyembro ng PNP.
Pero binigyang diin ni Bato kay Albayalde na lalo pang mahalin ang kaniyang mga tauhan subalit dapat parusahan at kastiguhin kung sila nama’y nagkasala.