Nangako si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na paiimbestigahan niya ang mga miyembro ng PNP-Special Action Force na nagbabantay sa mga high profile inmate sa AFP Custodial Center sa Camp Aguinaldo.
Layon ng imbestigasyon na malaman kung alam ng PNP-SAF ang pagpasok ng kontrabando sa AFP Custodial Center kung saan nakakulong ang mga high profile inmate na inilipat doon mula sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Iginiit ni Dela Rosa na trabaho ng PNP-SAF na bantayan ang pasilidad para matiyak na walang makakatakas, habang ang Bureau of Correction ang nangangasiwa sa lugar kung saan nakapiit ang mga high profile inmate.
Kahapon ay nagtungo sa Camp Aguinaldo si Dela Rosa kung saan pinirmahan nila ni AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año ang joint peace and security coordinating center agreement.
By: Mheann Tanbio