Dumalo si PNP Chief Ronald Dela Rosa sa anibersaryo ng Royal Thai Police sa Thailand kasama ang iba’t ibang hepe ng pulisya sa mga bansa ng Timog Silangang Asya.
Ayon kay Dela Rosa, biniro siya ng kanyang mga counterpart na sikat daw siya sa kanilang mga bansa dahil din sa kasikatan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng matinding kampanya nito kontra droga.
Gaya ng Pilipinas, iligal na droga rin, anila, ang problema ng mga kalapit-bansa.
Kaya naman bukod sa pagbisita, gusto ring malaman ni Dela Rosa ang mga ginawa ng Thailand laban sa bawal na gamot.
Taong 2003 nang ilunsad ng Thailand ang kanilang gyera kontra droga kung saan halos 3000 ang nasawi sa unang tatlong buwan pa lamang ng kampanya.
Pero matapos ang imbestigasyon, napatunayan na kalahati sa mga ito ay walang kinalaman sa iligal na droga.
Ayon pa kay Dela Rosa, gustong gayahin ng hepe ng Indonesian police ang istilo niya sa kampanya kontra droga.
Kilala ang Indonesia bilang isa sa mga bansang may pinaka matinding parusa sa mga drug traffickers.
Noong nakaraang taon Pitong dayuhan na sinasabing drug smugglers ang binitay ng Indonesia.
By: Avee Devierte / Jonathan Andal