Walang plano si Philippine National Police o PNP Chief, Director General Ronald Dela Rosa na sibakin sa puwesto sina National Chief, Director Oscar Albayalde at Manila Police District o MPD Director, Chief Supt. Joel Coronel matapos ang dalawang pagsabog sa Quiapo, Maynila na ikinasawi ng dalawa (2) katao.
Ito’y kahit pa naka strike 3 na ang MPD sa magkakasunod na insidente ng pagsabog matapos ang unang pagsabog noong April 28 sa kasagsagan ng ASEAN Summit at ang nadiskubreng secret jail.
Ayon kay Dela Rosa, hindi maituturing na kapabayaan ng mga pulis ang nangyaring pagsabog sa Quiapo dahil hindi naman ito kagagawan ng mga teroristang grupo kundi personal na away lamang.
Hindi naman anya mababasa ng mga pulis kung anong nasa isip ng mga magkakaaway.
Dagdag pa ni Bato, hindi rin maaaring ikumpara ang kaso nina Albayalde at Coronel sa kaso ng Provincial Director ng Cagayan Province at Regional Director ng Pro-2 na sinibak matapos ang pag-atake ng NPA sa presinto sa Amulong, Cagayan at Maddela, Quirino.
AFP tumutulong na sa imbestigasyon ng magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Maynila
Tumutulong na rin ang Armed Forces of the Philippines o AFP sa imbestigasyon ng magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Maynila na ikinasawi ng dalawang (2) katao noong Sabado.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Edgard Arevalo, papasok sila sa proseso ng validation para mapagtibay ang mga detalye o impormasyong hawak ng Philippine National Police.
Suportado anya nila ang PNP sa counter-terrorism operations sa pamamagitan ng intelligence gathering at pagbabahagi ng mga impormasyon.
Nauna naman nang ibinasaura ng pambansang pulisya ang anggulong terorismo sa naganap na pagsabog sa Quiapo dahil batay sa kanilang imbestigasyon ay personal na away ang sanhi nito.
By Drew Nacino |With Report from Jonathan Andal