Kinumpirma mismo ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos na nagpositibo siya sa COVID-19 at ito ay pinaghihinalaang Omicron variant.
Ayon kay Carlos, sumailalim siya sa RT-PCR o swab test kasama ng kanyang mga anak at close-in security noong linggo, Enero a-dos nang makaranas ng lagnat at panlalamig o “chills” ang kanyang mga kasambahay.
Nag-positibo rin sa virus ang kanyang duty driver at aide na kasama niya sa sasakyan noong linggo.
Nakaranas din aniya siya ng panlalamig at lagnat noong linggo ng gabi, ngunit kinabukasan ay pananakit ng likod na lamang ang kanyang naranasan.
Samantala, naka-self isolate naman si PNP Deputy Chief for Administration P/Ltg. Joselito Vera Cruz makaraang makasalamuha ang isang pribadong indibidwal nuong Biyernes na nagpositibo sa COVID-19 .
Nakararanas ng sipon ang opisyal at maliban dito’y wala na aniya siyang nararamdamang iba pang sintomas. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)