Inatasan ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga Police Regional Offices Commanders na tiyakin alam ng kanilang mga tauhan ang mga patakaran sa iba’t ibang alert level upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad nito.
Ito’y kasunod ng desisyon ng pamahalaan na ipatutupad na rin ang alert level system sa labas ng National Capital Region o NCR na mula kahapon hanggang katapusan ng Oktubre.
Ipinabatid ni Presidential Spokesman Harry Roque, na isasailalim sa alert level 4 ang Negros Oriental at Davao Occidental ; at alert level 3 naman ang Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City at Davao Del Norte.
Samantala, alert level 2 naman ang Batangas, Quezon, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu, Davao De Oro, Davao Del Sur, at Davao Oriental.
Hudyat aniya ito ng unti-unting pagbabalik sa normal ng sitwasyon sa bansa.
Giit ni Eleazar kahit na bumababa na ang kaso ng virus sa bansa hindi ito dahilan para mag-relax ang PNP, at siguraduhin na ang mga pinaluwag na patakaran ay hindi magreresulta sa pagkakaroon ng mga “super spreader events”.