Itinanggi ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na nagbabalak siyang pumalaot sa mundo ng pulitika.
Ito ang tahasang sinagot ng PNP Chief sa tanong kung may balak ba siyang maging pulitiko matapos magretiro sa darating na Nobyembre.
Ayon kay Eleazar, simple lamang ang plano niya sa buhay matapos magretiro, ang pagtuunan ng pansin ang pamilya na hindi niya nagawa sa mahabang panahon bunsod ng kaniyang trabaho bilang pulis.
Gayunman, inamin ng PNP Chief na dahil hindi mawala sa kaniya ang pagseserbisyo publiko ay tutulong na lamang siya sa mga adbokasiya ng pulisya sa kaniyang sariling kapasidad.
Para kay Eleazar, ibubuhos niya ng todo ang mga huling buwan niya sa puwesto dahil ito ang ipinangako niya sa taumbayan na maglingkod at ipagtanggol ang publiko.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)