Binigyan ng isang linggo ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang Police Regional Office 5 o Bicol PNP para resolbahin ang kaso ng pambubugbog ng isang Police Colonel sa isang Sarhento sa Legazpi City sa Albay.
Ayon kay Carlos, nakausap na niya ang pasaway na pulis na si P/Col. Dulnoan Dinamling Jr. na umaming mahina ang kaniyang tolerance kapag nakakainom ng alak kaya siya nakapananakit.
Una nang nasibak sa pwesto at kasalukuyan nang nasa restrictive custody ng PNP Aviation Security Group sa Pasay City si Dinamling habang gumugulong ang imbestigasyon.
Binisita rin ng PNP Chief ang biktimang si P/MSgt. Ricky Barbante at ipinaabot dito ang kaukulang tulong pinansyal gayundin ang iba pa niyang pangangailangan at ipinauubaya na rin sa kaniya ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa opisyal.
Tumanggi namang magbigay ng kaukulang komento si Carlos hinggil sa kahihinatnan ni Dinamling at sinabing maigi na lang tapusin ang imbestigasyon at hintayin ang resulta nito. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)