Nangako ang Philippine National Police (PNP) na ganap nitong ipatutupad ang commitment na pangalagaan ang mga botanteng Pilipino, mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec), mga guro na nakatalaga sa mga presinto, at ang mga grupo ng civil society na nakikipagtulungan sa gobyerno upang matiyak ang malinis, mapayapa, at tapat na midterm elections sa Mayo 12, 2025.
Batay sa isang statement, binigyang-diin ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil ang kahandaan ng kapulisan na gamitin ang kanilang resources upang matiyak na ang mga Pilipino ay makaboboto nang walang takot, partikular na sa mga tinukoy na hotspot areas.
Ayon kay Marbil, ang inisyatibong ito ay nakahanay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang mapayapang midterm elections, lalo na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), na sa kasaysayan ay nakaranas ng karahasan na may kinalaman sa halalan.
Sinasabing tinukoy ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang hindi bababa sa 34 election hotspots sa buong bansa, kung saan 27 dito ay matatagpuan sa BARMM.
Kaya bilang tugon, kabuuang 6,327 checkpoints ang naitatag sa buong bansa bilang bahagi ng pagpapatupad ng gun ban bilang paghahanda para sa halalan.
Pahayag naman ni BARMM Regional Police Chief Police Brigadier General Romeo J. Macapaz, sa inaasahang pagtaas ng karahasan na may kinalaman sa halalan, kanilang pinaigting ang mga hakbang, kabilang ang mga estratehikong deployment, mas mataas na presensya ng pulis, karagdagang checkpoints, at pinahusay na intelligence monitoring.
Dagdag niya, ang pulisya ay mahigpit na makikipagtulungan sa bagong gobyerno ng BARMM at iba pang ahensiya upang maisagawa ang mapayapang halalan sa rehiyon.
“Naniniwala kami na sa tamang koordinasyon at pagtutulungan, unti-unti masusugpo ang karahasan sa rehiyon,” ani Macapaz.
“Kasama ang pamunuan ng BARMM, kaming mga kapulisan ay patuloy na nagtutulungan at nakikipag-ugnayan sa national government upang matiyak na may sapat na suporta para sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon,” sabi pa niya.
Iginiit ni Macapaz na ang mga pagsisikap na ito ay nagpapakita ng hindi matitinag na pangako ng PNP na matiyak na ang proseso ng halalan ay malaya mula sa karahasan, pagbabanta, at anumang anyo ng pandaraya sa halalan, kaya pinananatili ang demokratikong karapatan ng bawat Pilipino.