Iginiit ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez na kulang sa pagpaplano ng Oplan Exodus na nagresulta sa pagkasawi ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Force.
Sinabi ni Marquez na sa simula’t simula pa lamang ay depektibo na ang plano tulad nang mahinang analysis sa lugar ng operasyon, poor intelligence estimate, hindi tamang pag-apply ng time on target coordination at kawalan ng tamang coordination.
Binigyang diin ni Marquez na malaking katibayan ng kakulangan ng paghahanda sa nasabing operasyon ang kawalan nang nakakasang contingency measures sakaling hindi masunod ang plano.
Ang nasabing pahayag ni Marquez ay halos kapareho lamang ng resulta ng imbestigasyon ng PNP Board of Inquiry hinggil sa Mamasapano encounter noong January 25, 2015.
Naniniwala si Marquez na posibleng naiwasan ang pagkasawi ng SAF troopers kung naipaalam at humingi ng rekomendasyon si dating SAF Commander Getulio Napeñas sa mga nakakataas sa PNP headquarters.
Si Marquez ay nakatalagang Director for Operations ng PNP noong naganap ang Mamasapano tragedy.
By Judith Larino