Dumalo sa kaniyang kauna-unahang Flag raising ceremony kaninang umaga ang bagong talagang pinuno ng Philippine National Police (PNP) na si P/Gen. Debold Sinas.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Sinas na nagpapasalamat siya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa tiwalang ibinigay sa kaniya upang gampanan ang bagong hamon na pamunuan ang mahigit 120,000 mga Pulis sa buong bansa.
Bagama’t nahihiya, ikinatuwa rin ni Sinas ang ginawang pagdepensa sa kaniya ng Pangulo sa gitna na rin ng mga kritisismo kasunod ng pagkakasangkot sa kontrobersyal na Mañanita sa kaniyang kaarawan nuong isang taon.
Ayon kay Sinas, panahon na upang magmove-on sa isyu at kinakailangan na nilang magpatuloy sa trabaho lalo’t marami pa rin ang nangangailangan ng tulong dahil sa pananalasa ng sunud-sunod na kalamidad.
Magugunitang sa televised speech ng Pangulo nitong weekend, sinabi ito na kaniyang inaako ang buong pananagutan sa pagtatalaga kay Sinas dahil naniniwala siyang wala itong kasalanan sa nangyaring supresa para sa kaniyang kaarawan. . —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)