Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Ronald Dela Rosa sa pamilya ng tinaguriang SAF 44 na hindi sila titigil sa paghahanap ng hustisya.
Ayon kay Dela Rosa, dapat kasuhan ang mga opisyal na may pananagutan sa madugong operasyon.
Hindi din aniya nila pababayaan ang pamilya ng kanilang mga nasawing kasamahan.
Ngayong araw ng Huwebes, Enero 25, ay may nakalinyang aktibidad sa punong tanggapan ng PNP – Special Action Force (SAF) sa Bicutan, Taguig para sa ikatlong anibersaryo ng Mamasapano operations.
Matatandaang noong nakaraang taon ay hindi na itutuloy ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng fact-finding commission na tututok sa imbestigasyon sa operasyon sa Mamasapano, Maguindanao na ikinasawi ng 44 na miyembro ng SAF.
Sinabi ng Pangulong Duterte na hahayaan na lang niya ang Ombudsman na imbestigahan ang kaso.
Sinabi ng Pangulo na ayaw niyang magkaroon ng maraming imbestigasyon na magkakaiba naman ang resulta.