Nananatili ang tiwala ni Philippine National Police (PNP) chief General Archie Francisco Gamboa sa kanyang mga tauhan sa Jolo, Sulu.
Ito ang inihayag ni Gamboa sa kabila ng panawagan ni Senadora Risa Hontiveros na sibakin nito ang buong hanay ng pulisya sa Jolo.
Kasunod naman aniya ito ng kinasangkutang shooting incident ng Jolo PNP na ikinasawi ng apat na sundalo noong Hunyo gayundin ang nangyaring kambal na pagsabog, kamakailan.
Ayon kay Gamboa, mananatiling buo ang tiwala ng PNP sa kanilang mga miyembro sa ground hangga’t walang matibay na ebidensiyang magpapatunay ng kriminal na pagkakasangkot at administratibong pagkukulang ng mga ito sa insidente.
Magugunitang napatay ang apat na intelligence officer ng militar noong Hunyo habang tina-track ang ilang mga suicide bombers na tinukoy namang nasa likod ng dalawang pagsabog sa Barangay Walled City na ikinasawi ng 15 katao.