Nasa kanilang simpleng tahanan na lamang ngayon sa San Fernando City, lalawigan ng Pampanga si dating PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde at ang kaniyang pamilya.
Iyan ang inihayag ni PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac makaraang kumpirmahin nito na binakante na ng tuluyan ni Albayalde ang White House na siyang opisyal na tahanan ng mga Chief PNP.
Ayon kay Banac, matapos i-anunsyo ni Albayalde na siya’y nasa ‘non-duty status’, agad na nitong inimpake ang lahat ng kanilang mga kagamitan at saka lumipat na pauwi ng Pampanga.
Paliwanag ni Banac, nagpasyang magligpit ng maaga si Albayalde sa White House upang bigyang-daan na ang paglipat doon ng susunod na PNP Chief na inaasahang aakyat sa katungkulan sa Oktubre 29.
Magugunita na ang tatlong pinakamatataas na mga opisyal sa PNP ang siya ring mga maiingay na pangalan para maging susunod na Chief PNP batay sa rekumendasyon ni DILG Sec. Eduardo Año.
Ito ay ang Chief of the Directorial Staff na si P/MGen. Guillermo Eleazar, Deputy Chief for Operations P/LtGen. Camilo Cascolan at ang Deputy Chief for Administration at kasalukuyang OIC ng PNP na si P/LtGen. Archie Gamboa.
Inaasahang maglalabas ng memorandum ang Palasyo ng Malacañang mula kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kung sino ang napili niyang hahalili kay Albayalde, anumang araw mula ngayon.