Kinasuhan ng PNP CIDG si Vice President Leni Robredo at 35 iba pa kaugnay sa pagpapakalat ng “Ang Totoong Narcolist Videos”.
Ayon sa isinumiteng reklamo ng PNP CIDG sa Department of Justice, sinampahan ng kasong Inciting to sedition, Cyber libel, Libel, Estafa, Harboring a criminal at Obstruction of justice sina Robredo at ilang oposisyon.
Kabilang sina dating senador Bam Aquino, Senator Antonio Trillanes, mga ‘Otso Diretso’ members na sina Atty. Chel Diokno, Romulo Macalintal, dating solicitor general Florin Hilbay, Samira Gutoc at dating kongresista Erin Tañada.
Kasama rin sa kinasuhan sina dating CBCP president archbishop Socrates Villegas, Incumbent CBCP Vice President Pablo Virgilio David, Running Priest Fr. Robert Reyes, Teodoro Bacani Jr. at iba pa.
Ibinulgar sa “Ang Totoong Narcolist Videos” na tumatanggap ang ilang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pera mula sa operasyon ng iligal na droga ngunit kinalaunan ay bumaliktad ang nasa likod ng video na si alyas ‘Bikoy’ kung saan sinabi niyang ginamit lamang siya ng oposisyon para sirain at mapaalis sa pwesto ang pangulo.