Sumampa na sa 56 ang bilang ng mga nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito ay makaraang masawi ang isa pang pulis dahil sa virus, kahapon, ika-29 ng Marso.
Ayon sa datos ng PNP Health Service, ang nasawi ay isang 50-taong gulang na police lieutenant mula sa Calabarzon at kabilang sa mga may comorbidities.
Nakatanggap din umano ng unang dose ng Sinovac vaccine ang nasawi noong ika-31 ng Marso, 2021.
Nakaranas umano ng pananakit ng ulo, sore throat, ubo at hirap sa paghinga ang pulis na nasawi —isang linggo matapos itong mabakunahan kontra COVID-19.
Sumailalim naman ito sa RT-PCR swab test at nagpositibo sa virus.
Ika-15 ng Abril nang ma-admit ito sa ospital sa Batangas, habang ika-28 naman nang nakatakda sana itong sumailalim sa hemoperfusion ngunit bigong makahanap ng ospital sa Metro Manila at Calabarzon dahil sa kakulangan ng kapasidad ng mga ospital.
Samantala, sa ngayon ay mayroon pang 1,722 na aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng PNP. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)