Nadagdagan na naman ang bilang ng mga nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y makaraang masawi ang 49-anyos na police commissioned officer na naka-assign sa Cagayan De Oro City Police Office na siyang ika-69 na casualty ng virus.
May 30 nang isugod ito sa ospital matapos na makaranas ng hirap sa paghinga, naintubate at isinailalim sa swab test bago i-isolate.
Kinabukasan, nakumpirma itong positibo sa COVID-19 subalit inalis sa intubation matapos bumuti ang kalagayan nito subalit ibinalik muli sa intubation noong ika-4 ng Hunyo.
Ika-5 ng Hunyo, hindi na kinaya ng pulis ang biglaang pagbagsak ng kaniyang oxygen level dahilan upang tuluyan na itong masawi.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa pamilya ng yumao nang pulis at tiniyak ang karampatang tulong na ibibigay sa kanila.
Sa ngayon, may 24, 950 na ang kabuuang bilang ng mga pulis na tinamaan ng virus matapos itong madagdagan ng 119 kahapon kung saan ay nasa 1,812 ang aktibo.
Gayunman, nakapagtala ang PNP ng 102 na mga gumaling kaya’t sumampa na sa 23,069 ang kabuuang recoveries sa hanay ng PNP.