Agarang pag-embalsamo sa bangkay ng binatilyong si Kian Loyd Delos Santos.
Ito ang itinuturong dahilan ng PNP o Philippine National Police Crime Laboratory kung bakit magkaiba ang resulta ng kanilang otopsiya kumpara sa PAO o Public Attorney’s Office.
Ayon kay Dra. Jane Monzon, ang medico legal officer ng PNP Crime Lab, posibleng inakala ng pao na sugat mula sa tama ng bala ang incision mula sa pag-eembalsamo na nakita sa likod ni Kian.
Paliwanag ni Monzon, mahirap na aniya matukoy ang entry at exit wounds kung na-embalsamo na ang isang bangkay dahil nalinis na ito.
Dagdag pa ng Crime Lab official, batay sa kanilang proseso, palaging inuuna ang otopsiya bago ang pag-eembalsamo.
Matatandaang, sa resulta ng autopsy ng PAO, tatlo ang tama ng bala ng binatilyo kung saan dalawa sa ulo at isa sa likod habang dalawang tama sa ulo ang nakita ng Crime Lab.