Iginiit ng PNP-Crime Laboratory na hindi kontaminado ang mga specimen na ginamit sa D.N.A. Examination ni Reynaldo “Kulot” de Guzman.
Kasunod ito ng pagkuwestyon ng Public Attorney’s Office sa kondisyon ng mga sinuring specimen at sa kredibilidad ng resulta ng D.N.A. Test na nagsasabing hindi anak ng mga magulang na sina Lina De Guzman at Eddie Gabriel ang bangkay na natagpuan sa isang creek sa Nueva Ecija.
Ayon sa hepe ng P.N.P.-Crime Lab DNA office na si Chief Insp. Lorna Santos, credible ang resulta ng ginawa nilang DNA test at good specimen ang kanilang sinuri.
Ipinagmalaki pa ni Santos na mga bagong kagamitan na ang ginagamit ng crime lab at nakasasabay ito sa international standards.
Inamin din ni Santos na nasasaktan sila sa mga pagdududa sa kanilang trabaho pero babalewalain na lang anya nila ito.
PNP nagpaliwanag sa isinagawang DNA testing sa batang bangkay na nakuha sa Nueva Ecija
Nagpaliwanag ang P.N.P. kung bakit sila nagsagawa ng D.N.A. testing sa bangkay ng batang natagpuan sa Gapan City, Nueva Ecija kahit pa positibong kinilala ng mga magulang na ang binatilyo ay si Reynaldo de Guzman alyas Kulot.
Ayon kay Chief Insp. Lorna Santos, hepe ng PNP-DNA Office ng crime laboratory Region 3, ang D.N.A. Examination ay bahagi ng kanilang imbestigasyon.
Standard operating procedure o S.O.P. anya ang pagkuha ng specimen sa mga bangkay na walang pagkaka-kilanlan.
Iginiit ni Santos na may permiso ng mga magulang ni kulot ang ginawang pagsusuri.
Inamin din ni Santos na nakatanggap sila ng utos na unahin ang DNA testing sa mga magulang ni Kulot at sa bangkay ng bata sa Nueva Ecija kaya’t inabot lamang ng dalawang araw ang proseso rito kumpara sa karaniwang isang buwan.
Ulat ni Jonathan Andal
SMW: RPE